Wednesday, October 19, 2005

utos ng hari



"The history of the oppressed teaches us that the state of emergency we live in is not the exception but the rule."
-Walter Benjamin


Agad kong naalala ang sinabing ito ni Benjamin nung nabanggit sa akin ng isang kaibigan ang nasabi ni Mareng Winnie sa Debate nung nakaraang linggo. Hindi hamak na malayo raw ang Batas Militar noong panahon ni Marcos kung ikukumpara sa CPR at EO 464 at 467 ni Gloria.

Inisa-isa pa ni Monsod sa kanyang pang-Sabadong kolum sa Inquirer ang mga puntos kung bakit hindi na posibleng muling ipasailalim sa diktadura ang bansa. Punong-puno na raw ang Saligang Batas ng 1987 ng mga batas upang pangalagaan ang demokrasya. Dito pa lang sa ubod ng kanyang argumento, mapapasinungalingan na siya ng mga pangyayari noong nakaraang linggo.

Gasgas na nga kung tutuusin ang paggamit sa Saligang Batas bilang pansalag sa pasismo ng estado. Makailang beses na ring binabaluktot ang konstitusyon upang makalusot at umayon ang interpretasyon ng batas sa sinumang may monopolyo ng mismong interpretasyon ng batas. Kakatwang sa isang bansang makadalawang (tatlo?) beses na nagtungong EDSA, ano't BP 880 ni Marcos ang ipinapatupad sa mga lansangan sa tuwinang may kilos-protesta.

Taktikal din kung tutuusin ang pagkakalagay ng numero unong disipulo ng Malakanyang sa Department of Justice. Kay Raul Gonzales pa lang, niluluto na ang mga batas (at paglabag sa batas kung ipupukol sa kaaway ng administrasyon) na maaring gamiting pananggalang ni Arroyo mula sa batikos at sa katotohanan. Nang mapasama si Miriam Santiago sa slate ng K4 noong nakaraang eleksyon, hindi alyado ang binili ni Arroyo kung di abogado.

Unang naging bukambibig ng mga bulaan sa Malakanyang ang katagang "rule of law" nang nanganib sa kamay ng sambayanan ang pananatili ni Arroyo sa puwesto. Sa panahon nga ng postmodernismo at globalisasyon, singkong-duling na lang ang katapat ng interpretasyon ng batas at ng ibanabandilang "rule of law."

Simple lang, kung paanong sinuspinde ni Marcos ang pagpapatupad ng 1935 Constitution nang ideklara niya ang Martial Law, ganoon din isinantabi ng revolutionary government ni Aquino ang 1971 Constitution pabor sa Freedom Constitution. Dahil sa huliÕt huli, walang ibang naglelehitimisa sa mga batas kundi ang pagsunod dito ng taumbayan. Kung gayon, ang mamamayan pa rin ang mapagpasyang nagsusulong ng karapatan nilang higit sa lahat ay makapangyarihan. At hindi kailanman maaaring pagbanggain ang kapakanan ng bayan sa karapatan ng mamamayan.

Sa lipunang binubuhay ng pagsasamantala, ang bayan ay nasa palagiang "state of emergency." Lagi't laging nasa bingit ng paghihingalo. 'Yun bang naghihintay parati na masalinan ng dugo. Sa bayang ito, ganito ang nasasaad sa batas: Kung wala na't maubusan ng blood donor, hindi mangingimi ang hari o reyna na maglabas ng pangil.

4 Comments:

At 10:40 AM, Blogger adarna said...

utos ng hari (reyna?), sino'ng nagsabing bawal mabali?

 
At 5:38 PM, Anonymous Anonymous said...

senator bakla on googlesearch yields panfilo lacson hohohoho

 
At 3:21 AM, Anonymous Anonymous said...

kung mapapatalsik si arroyo, cno ang gusto nyong pumalit?

 
At 9:18 AM, Anonymous Anonymous said...

walang kwenta ginagawa nyo. kailangan natin- rebolusyon!!!!

 

Post a Comment

<< Home