Monday, November 12, 2007

Hinggil sa Pagtaas ng Presyo ng Langis

Isang gabay sa pagtalakay
Inilabas ng Anakbayan, Nobyembre 2007

Ang gabay na ito ay dagdag sa mga nauna nang inilabas ng iba’t-ibang progresibong organisasyon at institusyon. May diin ito sa pagtalakay ng katangian ng pandaigdigang monopolyo sa langis at ang papel ng rehimeng US-Arroyo sa pagtatanggol sa interes ng mga ito. Inaasahang magagamit ito sa mga talakayan sa paaralan, komunidad at pabrika para maitaas ang pag-unawa ng mamamayan hinggil sa isyu at makalahok sila sa mga kilos-protesta.

Mga sanggunian:
a. Institute for Political Economy, Imperyalistang Krisis at Pagtaas ng Presyo ng Langis, Agosto 2005
b. Institute for Nationalist Studies, Deregulasyon at Kartel ng Langis, Pahirap sa Mamamayan, Pagsasabansa ang Kailangan, Setyembre 2004.
c. IBON Foundation, “Ugat ng Pagtaas ng Presyo ng Langis” IBON Facts and Figures Filipino, Hunyo 20
04

Nitong nakaraang mga linggo, sumambulat sa gitna ng maigting na krisis sa pulitika ng bansa ang nakababahalang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Umaabot na sa mahigit-kumulang $100 kada bariles ang presyo nitong Nobyembre, mula $40 kada bariles noong Hulyo 2004.

Napakabilis ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan. Tiyak ang epekto nito sa lokal na pamilihan at industriya ng langis sa bansa. Sa katunayan, apat na beses nang nagtaas ng tinatayang P1/liter per round ang gasolina at krudo at P0.50/liter naman para sa diesel; habang halos mahigit P13 average na ang itinaas ng bawat tangke ng LPG nitong nakaraang mga linggo. Tinatayang P4 sa average ang itataas pa ng presyo ng langis bawat litro hanggang Disyembre.

Dagdag na pasanin ng mamamayan ang tuluy-tuloy at sunud-sunod na oil price hike (OPH) sa harap ng patuloy na pagsadsad ng kabuhayan at matinding kagutuman sa bansa. Sa kabila ng mga deklarasyon ng pag-unlad sa ekonomiya ng Malakanyang, nananatiling hindi nakararamdam ng pag-asenso at pag-alwan ng kabuhayan ang nakararaming mamamayan.

Ano ang sanhi ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan?

Patuloy ang ispekulasyon sa merkado, o pagmanipula ng presyo, kaya tumataas ang presyo ng langis sa buong mundo. Tinatayang umaabot sa $15 kada bariles ang nadadagdag dahil lamang sa ispekulasyon. Ngunit nangyayari ito dahil nakapagdidikta ng presyo ang mga monopolyo kapitalista sa langis – ang mga dambuhalang kompanya o mga transnational corporations (TNCs)-- sa pangunguna ng Exxon Mobil (US), British Petroleum (UK), Royal Dutch Shell (UK-Netherlands), Chevron Texaco (US) at Total (France). Pawang mula sila sa US at Europa at kumikilos bilang isang kartel. Ibig sabihin, monopolisado nila ang produksyon ng langis sa buong mundo, kasama na ang refinery at marketing – mula sa oil fields, tankers, barges, depot, refinery, retailers, tank trucks, pati advertising companies. Kaya naman kaya nilang imanipula ang suplay ng langis at hilahin pataas ang presyo nito. Noong 2006, ang Exxon Mobil ay tumubo ng $25.3 bilyon-- ang pinakamalaking tubo na naitala sa kasaysayan ng lahat ng TNCs sa buong mundo!

Nakakontrata din sa mga TNCs na ito ang proseso ng pagrerepina at pagbebenta maging ang mga bansang kasapi ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), na pinagmumulan ng 55 porsyento ng ikinakalakal na krudo sa daigdig. Kaya kayang kontrolin ng mga TNCs ang suplay ng langis sa pandaigdigang pamilihan para tumaas ang presyo nito at makapagkamal sila ng ibayong tubo.

Ano ang sinasabing dahilan ng mga Oil Companies sa pagtaas ng presyo?

Sinasabi ng oil companies na sobrang kapos ang produksyon ng langis sa mundo kaya tumataas ang presyo nito. Anila, may gyera sa Middle East, laluna sa Iraq, kaya apektado ang produksyon at suplay ng krudo. Taglamig na at tataas pa ang pangangailan sa langis. Kinakain ng China at India ang malaking bulto ng langis dahil sa industrialisasyon ng mga bansang ito. Nasisira ang mga oil fields dahil sa gyera at kalamidad. Sagad na rin ang mga refineries at maliliit ang kapasidad ng mga nabubuksang bago.

Pero ang nagsusuplay ng pinakamalaking langis (55%) sa mundo – ang OPEC (o Organization of Exporting Countries)-- ay nagsasabing hindi ito totoo. May sapat na produksyon at suplay kaya hindi maaaring magkulang ang langis. Ayon mismo sa Oil Market Report na inilabas ng IEA (International Energy Agency) noong nakaraang taon, nasa 81.9 milyong bariles kada araw (mbd) ang pandaigdigang pangangailangan habang umakyat sa 84.6 mbd ang produksyon o suplay sa langis noong ikalawang kwarto ng taong 2006. Gayundin, tinatayang nasa 1.3 trilyong bariles ang reserbang langis sa mundo, na sasapat upang matugunan ang pangangailangan sa loob ng 42 taon batay sa kasalukuyang antas ng konsumo.

Ano ang kinalaman ng gera sa Iraq?

Tinatayang 56 porsyento ng reserbang langis ay nasa Persian Gulf na binubuo ng Bahrain, Iran, Iraq, Kuwait, Qatar, Saudi Arabia at UAE. Kaya di nakapagtataka ang gerang agresyon ng US sa Middle East dahil nais nitong makontrol ang reserbang langis. Matapos lusubin ang Iraq noong Marso 2003, pinupuntirya naman ngayon ng US ang Iran. Nais ng gobyerno ni Bush na maging tuta ng US ang mga iuupong administrasyon sa mga bansang nilulusob nito. Nagsasaya ang mga ispekulador sa tensyon sa Middle East at itinutulak ang pagtaas ng presyo ng langis sa katwirang maaantala daw ang suplay ng langis mula sa Persian Gulf.

Subalit sa isang pag-aaral ng IBON, may mga panahong tumitindi ang tensyon sa Middle East ngunit hindi rin naman tumataas, bagkus bumababa pa ang presyo ng langis. Sa pag-aaral na isinagawa ng Ibon Foundation, halimbawa, mula 1996 hanggang kasalukuyan, wala mang mayor na gerang naganap sa Gitnang Silangan, patuloy pa ring tumaas ang presyo ng langis kada taon. Kaya walang direktang kaugnayan ang sigalot sa Middle East sa baba-taas ng presyo, liban na lamang kung sinasadya o ginagawang dahilan ito.

Paano naaapektuhan ang presyo ng langis sa Pilipinas?

Una, kontrolado ng mga dambuhalang kompanya ang industriya ng langis hanggang sa Pilipinas. At ikalawa, may sabwatan sa pagitan nila at ng gobyerno ng Pilipinas sa pagsasamantala sa mamamayan.

Ang industriya ng langis sa Pilipinas ay kontrolado ng kartel ng langis sa bansa na bahagi ng pandaigdigang monopolyo sa langis. Ang Pilipinas Shell ay yunit ng Royal Dutch Shell, ang Caltex Philippines ay pag-aari ng Chevron Texaco habang ang Petron Corporation ay 40 porsyentong pag-aari ng Saudi Aramco kung saan may malaking impluwensya ang Exxon Mobil.

Lubhang nakaasa ang Pilipinas sa pag-import ng langis mula sa mga dayuhang monopolyo. At dahil may monopolyo sa langis, madaling gawin ang transfer pricing/overpricing. Ibig sabihin, habang dumaraan sa iba’t-ibang yugto ng produksyon at distribusyon ang mga produktong petrolyo, pinapatungan na ito ng limpak-limpak na halaga ng mga Parent Companies sa ibang bansa hanggang sa makarating ito sa mga affiliates at gasolinahan sa Pilipinas. Nangyayari na mas mataas pa tuloy ang presyo ng langis sa Pilipinas bawat litro kumpara sa US o Europa.

Samantala kalakaran din ang overpricing. Hindi bababa sa tatlong buwan ang iniimbak na langis, na binili sa mas mababang presyo. Mula 2000 hanggang 2004, overpriced na ng P4.62 kada litro ang ibinebentang produktong petrolyo sa lokal na pamilihan, idagdag pa ang overpricing nila sa sumunod pang mga taon.

Limpak-limpak na tubo rin ang naiuuwi sa Parent Companies hindi lamang sa pagbibenta ng langis. Maging ang mga royalties, management at service fees ay ibinabalik sa kanila ng mga affiliates.

Ano ang kinalaman ng gobyerno sa pagtaas ng presyo ng langis?

Gumagawa ang gobyerno ng mga batas tulad ng Oil Deregulation Law (ODL) para malayang makapagtaas ng presyo ng langis ang mga oil companies Labas pa rito, sa bawat pagtaas ng presyo ng langis ay humahamig din ng kita ang gobyerno sa anyo ng buwis

Binibigyan ng ODL ang mga lokal na kumpanya ng langis ng awtomatikong karapatang magtaas ng presyo. Ginawa ng gobyernong inutil ang sarili nito para pigilan o kontrolin ang pagtaas ng presyo ng langis. Tinanggal ng ODL ang limitasyon sa tubo ng mga kumpanya ng langis, inalis sa Energy Regulatory Board ang pag-apruba ng presyo at mga public hearings bago itaas ang presyo, at pinawi ang subsidyo ng pamahalaan sa LPG, kerosene, at diesel. Taliwas sa sinasabi ng gobyerno, lalo pang tumindi ang dominasyon ng Big Three (Caltex, Shell, Petron) sa pamamagitan ng deregulasyon. Sa loob lamang ng 10 taon, umabot na ng 62 rounds ang pagtaas ng presyo ng langis kumpara sa 23 rounds sa loob ng 25 taon bago maipatupad ang deregulasyon.

Sa kabilang banda, 10% Reformed Value Added Tax (R-VAT) ang itinatakdang buwis sa mga produktong petrolyo. Kung P30 ang bawat litro ng gasolina, nagiging P33 ito dahil pinapatungan ng P3 para sa buwis. Tinatayang P95-P105 bilyon sa isang taon ang buwis na nakukuha ng gobyerno. Kaya tuwing tumataas ang presyo, lumalaki rin ang kita ng gobyerno. Ngunit halos 80% nito ay pambayad-utang lamang, at nauuwi din sa mga dambuhalang bangko.

Gaano katindi ang epekto ng OPH sa mamamayan?

Istratehiko ang papel ng langis sa pagpapatakbo ng ekonomya. Kapag tumataas ang presyo nito, tumataas din ang halaga ng produksyon kaya napipilitang magsara ang maliliit na empresa at lumolobo ang bilang ng mga manggagawang nawawalan ng trabaho. Tumataas din ang mga pangunahing bilihin at serbisyo at lumalaki ang gastusin sa pamumuhay.

Tumaas na sa 8.5 porsyento ang inflation rate ng bansa, wala pa man ang pagsirit ng presyo ng langis. Ngayong Nobyembre, nadagdagan ang pamasahe ng P0.50 mula sa huling P2 pagtaas nito dalawang taon na ang nakalipas. Sa bigas, mula P24.49, tumungong P30.00 kada kilo ang fancy rice, habang halos P2.50 ang itinaas ng ordinary rice. Umaabot naman sa P10 ang itinaas ng bawat kilo ng manok at 25 sentimos sa itlog ng manok. Ang bawat kilo ng bangus na dating P65 ay umabot na sa P80, habang P10 ang itinaas ng bawat kilo ng tilapia. Tumaas din ang presyo ng mga gulay dahil na rin sa paglaki ng gastos pangunahin sa transportasyon.

Itinatakda ngayon na P629.10 ang daily cost of living ng bawat pamilya sa Metro Manila, habang P517.60 sa average sa buong bansa. Ibig sabihin, nasa ilalim ng poverty line ang halos 80 porsyento ng mga Pilipino, taliwas sa sinasabi ng gobyernong maliit na bilang ng mahirap sa bansa. Ayon na rin sa mga panukat (macroeconomic indicators) ng gobyerno, inaasahan ang pagbagsak ng GDP (Gross Domestic Product) sa 1.9 percentage points. Kapalit nito ang pagtaas ng inflation rate ng 1.4 hangang sa 1.7 percentage points sa taya ng NEDA. Gayundin ang unemployment rate na nasa mahigit 12.9 porsyento na noong Abril 2005. Kaya walang ibang maidudulot ang di-mapigilang pagtaas ng presyo ng langis kundi ibayong pagbagsak ng kabuhayan ng maralitang mamamayang Pilipino.

Anu-ano ang panukala ng rehimeng Arroyo bilang tugon sa krisis sa langis?

Paghihipit ng sinturon at pagsasakripisyo ang agarang panukala ng rehimen, habang patuloy na itinuturo ang mga dahilang panlabas sa pagtaas ng presyo ng langis. Nangungunang panukala nito ang ‘energy conservation’: pagtitipid sa paggamit ng kuryente at langis sa mga opisina at establisimiyento ng gobyerno at maging sa mga pampublikong paaralan (ilaw, aircon, paggamit ng mga public at government vehicles, etc); pagpanukala sa mga may-ari ng mga malalaking billboard na maagang magsara ng kanilang mga ilaw para diumano makatipid sa kuryente; paggamit at pagprayoritisa sa alternative sources ng langis tulad ng bio-diesel at compressed natural gas; pagpapatupad ng 4-day work week; carpooling; pagrarasyon ng langis sa mga pampubliko at pribadong sektor.

Lahat ng ito ay ‘band-aid solutions’. Nananatiling walang signipikante at istratehikong tugon ang gobyerno ni Arroyo para pigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ano ang dapat gawin ng mga mamamayan?

Kagyat na dapat magkaisa at kumilos ang mamamayan para ipatigil ang pagtaas at susunod pang pagtaas ng presyo ng langis. Wala nang ihahaba pa ang pisi ng bayan. Patuloy na nakapako ang sahod, lay-off at tanggalan, demolisyon ng mga tahanan, pagkawasak ng mga bukirin, kalamidad kaliwa’t kanan. Idagdag pa rito ang hagupit ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at ang kaharap sa araw-araw na mas matindi pang gutom at kahirapan. Pinsala sa mamamayan,pakinabang sa iilan.

Kaugnay nito, kailangang ibasura na ang mapagsamantala at mapanlinlang na Oil Deregulation Law. Karanasan ang nagpapatunay na hindi bumaba ang presyo ng langis, hindi nangyari ang sinasabing malayang kompetisyon sa pamilihan, at, sa halip,nagpatuloy at lalo pang lumakas ang kontrol at manipulasyon ng mga dambuhalang kompanya ng langis sa suplay at presyo. Simula nang aprubahan ang ODL noong Marso 1996 tumaas na ang presyo ng langis ng 535%! At kumpara sa mga nakaraang rehimen, higit na ramdam ang delubyo ng ODL sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

Kailangan ding alisin na ang patung-patong na buwis sa presyo ng langis dahil ipinapasa lang ito sa mamamayan. Ginagamit ang buwis na pambayad-utang gayong di naman mamamayan ang nakinabang sa utang. Lalo pang delikado ang pondong mula sa buwis sa kamay ng korap at bulok na rehimeng Arroyo. Sunud-sunod na ang katiwalian na kinasasangkutan ni Gloria, ng kanyang pamilya, at mga alipures nito.

Patuloy na nasa sentro ng usapin ang rehimeng Arroyo. Hindi lamang ito inutil sa pagtaas ng presyo ng langis; kasabwat at nakikinabang pa ito sa pagtaas ng presyo. Walo sa bawat sampung Pilipino ang nagnanais nang mapatalsik siya sa pwesto matapos mailantad ang malawakang pandaraya, katiwalian sa gobyerno, maigting na krisis sa ekonomya at pulitika, pagkatuta sa dayuhan at ang tumitinding panunupil sa mamamayan. Idagdag pa rito ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis na sasalanta sa sambayanan.

Nasa kagyat na interes at kapakinabangan ng bayan na mapatalsik o mapaalis na si Arroyo sa pwesto. Hanggat nananatili ito sa poder, sunod-sunod pang parusa at pasakit ang hahagupit sa sambayanan. Wala ring makabuluhang repormang maipatutupad sa industriya ng langis, laluna ang pagsasabansa nito, hanggang nasa pwesto ang rehimeng Arroyo. Sa sabwatan at pakinabang ay kasama nito ang mga dayuhan. Agaran nang pagpapatalsik kay Gloria ang makakapigil sa sobrang pahirap pa sa bayan. Walang ibang masasaligan sa pagbabago kundi ang lakas ng sambayanan.

Itigil ang pagtaas ng presyo ng langis!
Ibasura ang Oil Deregulation Law!
Alisin ang buwis sa mga produktong petrolyo!
Pahirap sa masa, patalsikin si Gloria!


0 Comments:

Post a Comment

<< Home