Tuesday, April 18, 2006

Walang Lusot

KRITIKA ni Teo S. Marasigan

Sa isang banda, ang pagsusulong ngayon ng Charter Change o ChaCha ng rehimen ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ay padrong halimbawa ng mga taktika nito para manatili sa kapangyarihan laban sa mga pagkilos ng taumbayan para patalsikin ito sa pwesto.

Alam na ng marami ang kwento hinggil sa pekeng 'people's initiative' ng Malakanyang: Sa mga pumirma, lumilitaw na nagkaroon ng mga bagong residente ang iba't ibang baranggay, dumami ang mga Pilipino, at nabuhay ang mga bangkay para pumirma -- mga lumang pakana tuwing eleksyon sa bansa. Sa mga totoong pumirma, marami ang pinapirma ng mga opisyal ng barangay nang walang paliwanag, o nang may kapalit na pera, bigas o sardinas. Sabay-sabay kumikilos ang mga lokal na gobyerno para rito, sinasabing dahil sa kumpas ng Department of Interior and Local Government o DILG.

Malinaw, kahit sa madla, na hindi totoong inisyatiba ng taumbayan ang nagaganap, kundi inisyatiba ng gobyerno sa pangunguna ni DILG Sec. Ronaldo Puno. Ginagamit pa raw ang isang hotel na nabanggit sa usapang 'Hello Garci' na sentro ng pandaraya ng kampo ni Arroyo noong 2004. Tinatayang milyun-milyong piso ang winawaldas ng gobyerno para sa 'people's initiative' na ito. May opisyal ng COMELEC na nagsalita sa isang beses nang kritikal sa pekeng 'people's initiative,' para lamang tumahimik sa kasunod na araw. Gastos na nga ang bilangan ng pirma, gastos pa ang suhulan dito.

Para saan ang malaking 'kalokohan' - salita ni Prop. Winnie Monsod, tutol sa 'people's initiative' - at gastos na ito? Para mapanatili si Arroyo sa pwesto. Sa pagtanggal ng mga restriksyon ng Konstitusyong 1987 sa pamumuhunan, pag-aari, at pagpasok ng militar at armas ng mga dayuhan sa bansa, kabig ni Arroyo ang gobyerno ng US. Sa panukalang pagpapahaba sa termino ng mga lokal na pulitiko, kabig sila ni Arroyo. Sa pagpwesto ng isang parlyamento, magiging mas makapangyarihan ang dominanteng partidong hawak ni Arroyo. Sa panukalang Konstitusyon, mas madali nang magpataw ng Batas Militar.

Ilulusot dahil kayang ilusot. Pupwersahin dahil kayang pwersahin - ito ang paglalarawan sa pagsusulong ng rehimen ng ChaCha. Ito rin ang wastong paglalarawan sa iba pang taktika ng rehimen para manatili sa kapangyarihan: Gagamitin ang lahat ng yaman at kapangyarihan ng estado para isalaksak ang mga kontra-taumbayang patakaran at panatilihin ang sarili sa pwesto - kahit pa bistado na ng publiko ang mga pakana nito. Hindi matatayog na prinsipyo, pagpapanatili ng kaayusan o kaunlaran ng bansa ang batayan, kundi ang ganid at masamang kagustuhang magkapit-tuko sa kapangyarihan.

Kung tutuusin, nasa ganitong diwa ang mga hakbang ng rehimen sa paunang pagsisinungaling sa usapang 'Hello Garci,' pagpatay sa kasong impeachment noong Setyembre, saglit na pagpapalutang kay Garcillano, at 'imbestigasyon' sa pandaraya sa halalang 2004. Sa ganito rin mauunawaan ang pagpataw at pagpapatupad nito ng Expanded Value-Added Tax o E-VAT, patakarang 'No Permit, No Rally,' Calibrated Pre-emptive Response, Executive Order 464, Proklamasyong 1017 at iba pang kontra-taumbayang patakaran. 'Might makes right,' wika nga. Lakas ang nagtatakda ng wasto.

Naaalala ko ang kolumnistang si Teodoro Benigno ilang linggo bago mapatalsik si dating Pang. Joseph Estrada. 'Beware of historical flukes,' babala niya. Magbantay o mag-ingat daw sa mga aksidente ng kasaysayan na maaaring maging hudyat ng kagyat na pagbagsak ni Estrada. Dumating iyon sa porma ng hindi pagbukas sa ikalawang envelope ng ebidensya sa pagdinig sa kasong impeachment sa Senado. Sa partikular na yugtong iyon ng pagkasukol ng rehimen ni Estrada, nagsikap itong humulagpos. Pero iyun na ang naghudyat ng Edsa 2 - ng aksyong masang tumapos sa kanyang rehimen.

Sa pagpapatalsik kay Arroyo, dapat pa ring bantayan ang mga katulad na 'aksidente' sa kasaysayan. Pero hindi dapat matali rito, nang umaasang ispontanyong kikilos ang libu-libo o milyun-milyong taumbayan kapag nangyari ito. Ang totoo, nangyayari na ito. At sa tindi ng pagkasukol ng rehimen ni Arroyo, sa dami ng kontra-taumbayang patakaran at pakana nito, at sa garapal na pagpapatupad nito ng mga garapal na taktika para manatili sa pwesto, tiyak na marami pang aksidenteng pangkasaysayan na laban dito ang mangyayari. Ang tanong pa rin, gayunman, ay ito: Makakalusot bang muli ang rehimen?

Pangunahing magtatakda nito ang lawak at lakas ng pagkilos ng taumbayan para sa pagpapatalsik kay Arroyo. Dito pa rin dapat magdiin ang mga grupong gustong patalsikin si Arroyo: sa pagpapaliwanag at pagpopolitisa sa taumbayan para kumilos.

Walang lusot ang rehimeng Arroyo sa pwersa ng paglaban ng sambayanan.

Sumulat sa tsmarasigan_kritika@yahoo.com

3 Comments:

At 12:56 PM, Anonymous Anonymous said...

Okay na okay sana ito, lalo na, kung maipakita at mapatunayan ang mga pekeng lagda.

 
At 4:10 PM, Anonymous Anonymous said...

tunay na pekeng inisyatibo...

 
At 11:37 AM, Anonymous Anonymous said...

PEKENG INISYATIBO NG PEKENG PANGULO! OUST GLORIA...

 

Post a Comment

<< Home