Tuesday, September 11, 2007

Bringing forth the Best and Brightest: LFS 30th Anniversary Statement

Ipagbunyi ang ika-30 taong anibersaryo ng LFS!
Pahayag ng LFS-PKT sa ika-30 taong anibersaryo ng LFS
September 11, 2007

Binabati natin ang lahat ng ating mga kasapi at lider mula sa iba’t ibang mga balangay sa buong bansa sa okasyong ito ng ating ika-30 taong anibersaryo. Nagdiriwang ang lahat ng ating mga kasapi, mga balangay sa buong bansa at maging sa ibang bansa, mga kaibigan, masang mag-aaral at buong sambayanan sa araw na ito sapagkat tatlong dekada ang nakalilipas, itinatag ang isang organisasyong masikhay na magpupukaw, mag-oorganisa at magpapakilos sa kabataang mag-aaral para sa pagkilos para sa kanilang interes at para sa paglilingkod at pakikibaka para sa mamamayang api.

Pinagpupugayan natin ang mga kasamang martir na nagbuwis ng buhay sa ngalan ng paglilingkod sa bayan at pagtahak ng landas ng paglaban.

Sa ika-30 taong anibersaryo, pinili natin ang temang: “Bringing forth the Best and the Brightest: 30 years of dedicated service and determined struggle.” Sa pinakapayak, inilalarawan nito ang ating tinanganang tungkulin sa loob ng 30 taon --- paglikha ng pinakamagiting at pinakamaningning na mga kabataang mag-aaral sa pamamagitan ng taimtim na paglilingkod at magiting at militanteng paglaban.

Simula nang itatag ang LFS noong 1977, pinanday na nito sa unos ng paglaban ang maraming mga kabataan at ginampanan ang makasaysayang papel ng kabataan sa pagbabagong panlipunan. Pinangunahan ng LFS ang panawagang mag-aral ng labas sa apat na sulok ng paaaralan, maglingkod sa sambayanan, at tanganan ng kabataan ang militanteng landas ng paglaban.

Maningning na kasaysayan

Naging susi ang papel ng LFS, pangunguna nito sa mga boykoteo at mga protesta sa kampus, sa muling pagpapalakas ng kilusang masa ng mamamayan sa panahong ng diktaduryang US-Marcos. Dumagundong sa buong bansa ang panawagan para itigal ang pagtaas ng matrikula at ibalik ang demokratikong karapatan sa loob ng kampus.

Mahalagang tungtungan ang mga aksyong masang pinangunahan ng LFS, bilang isang alyansa noong 1977, at bilang organisasyong masa pagdating ng 1982, sa pagdudulot ng malakihang kilusan ng mamamayan para sa pagpapatalsik kay Marcos simula ng paslangin si Ninoy hanggang sa pagsiklab ng People Power.

Sa ilalim ng rehimeng US-Aquino, nagpatuloy sa pagmumulat at pag-oorganisa ang LFS. Libo-libo ang pinangunahan nito sa pagkilos para sa pagbabasura ng baseng militar ng US sa Pilipinas, bagay na nagtatak sa LFS bilang organisasyong may matalas na anti-imperyalistang pagsusuri at linya.

Gayunpaman, sa huling bahagi ng dekada ’80, niligaw ng mga pagkakamali gaya ng insureksyunismo, repormismo, at putsismo ang organisasyon na nagdulot ng pagbagsak ng kalidad at kantidad ng mga kasapi nito. Sinalanta ng mga maling pagsusuri sa lipunan at pagtataksil sa batayang mga prinsipyo at pagsusuring pambansa demokratiko ang organisasyon.

Ngunit mawawakasan ang kasaysayang ito ng mga oportunista at mga repormista sa paglulunsad ng LFS ng malawakang panawagan para sa pagwawasto sa hanay nito at sa kilusang pambansa demokratiko noong maagang dekada ‘90. Determinadong muling palakasin ang organisasyon, nagbalik-aral ang mga kasapi ng LFS sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino at mga batayang pagsusuri at prinsipyong pambansa demokratiko. Matalas na inilantad ang mga kamalian at kahungkagan ng linya ng mga oportunista at repormista, at binandila ang landas ng pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba.

Muling lumakas at lumawak ang LFS at nanguna muli sa laksang bilang ng mga mag-aaral sa militanteng paglaban. Noong 1998, kasama ang Student Christian Mov’t of te Phils (SCMP) at ng iba pang mga organisasyon ng kabataan, itinatag ng LFS ang Anakbayan, isang organisasyong aabot sa mas masaklaw na hanay ng mga kabataan sa paaralan, komunidad, pagawaan at sakahan.

Ang muling pagpapalakas ng organisasyon at saklaw ng LFS ay magiging isang mahalagang salik sa pamumuno nito sa kabataan sa mga pagkilos laban sa rehimeng US-Estrada hanggang sa tuluyang pagbagsak nito noong 2001.

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na lumalakas at lumalawak ang LFS at patuloy na tumatatak sa paninindigan nito para sa mga batayang interes ng mag-aaral at mamamayan. Sa kabila ng matinding hagupit ng pasistang atake ng rehimeng US-Arroyo, nanatiling matatag ang organisasyon at matalas ang paninindigan nito.

Dapat lamang ipagdiwang ang mayamang kasaysayan ng LFS at pagpugayan ang organisasyong walang kasingtindi ang determinasyong baguhin ang lipunan at paglingkuran ang sambayanan.

Matalas na pagsusuri at makabayang oryentasyon

Nananatiling wasto ang pagsusuri at paninindigan ng LFS sa kasalukuyang kalagayang panlipunan. Mahusay na inilalantad ng LFS ang mala-kolonyal at mala-pyudal na katangian ng lipunang Pilipino, ipinauunawa sa mamamayan na hindi tunay na malaya ang bayan mula sa kuko ng dayuhang imperyalismo kung ang iilan at dayuhan ang patuloy na kokontrol sa yaman ng bansa.

Wastong tinutukoy ng LFS ang Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo bilang pangunahing mga salot sa lipunan at siyang sanhi ng malawakang kahirapan at kagutuman ng mamamayan.

Ihinahayag ng LFS ang landas ng pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba bilang tanging landas upang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya ng sambayanan. Iminumulat ng LFS ang mamamayan sa pangangailangang kagyat na agawin ang pampulitikang kapangyarihan mula sa iilang naghahari at dayuhan at itindig ang kapangyarihan ng mamamayan sa pagtatadhana ng kinabukasang malaya, demokratiko at masagana.

Pinangungunahan ng LFS ang pagtangan sa oryentasyon ng kilusang kabataan na pukawin, organisahin at pakilusan ang kabataan para sa kanilang interes at mahigpit na isanib ito sa pambansa demokratikong paglaban. Mag-aral, maglingkod, mangahas na makibaka: ito ang ibinanderang islogan ng LFS na umalingawngaw sa buong bayan.

Kalagayan sa ilalm ng rehimeng US-Arroyo

Sa kasalukyan, higit na papatindi ang atake ng imperyalismo at ng rehimeng Arroyo sa mga batayang karapatan at kabuhayan ng mamamayan kasabay ng kampanya ng pasistang panunupil at pamamaslang.

Walang kasingtindi ang pagsalanta ng mga neoliberal na pakana ng imperyalista sa karapatan ng kabataan sa edukasyon na nagbubunsod ng higit na pagtindi ng kolonyal, komersyalisado at represibong katangian nito. Sunod-sunod ngayon ang pagtaas ng matrikula sa mga state at college university gaya ng UP at Earist, habang patuloy namang nagbabanta ang administrasyon ng PUP na itaas din ang matrikula.

Higit na itinutulak ang pagliit ng badyet at pag-abandona ng responsibilidad ng gubyerno sa edukasyon at mga pakana para kumalap ang mga paaralan ng sariling pondo. Sa kabila pa nito, higit namang sinusuhayan ang walang ampat na pagtataas ng matrikula ng mga pribadong paaralan ---kumbinasyong tiyak na dudulo sa mas maraming bilang ng kabataang hindi makakapag-aral ang mga pakanang ito.

Kasabay ng kumersyalisasyon, higit naman ang bulag na pagsunod ng gubyerno sa mga pakana ng dayuhang monopolyo kapitalismo upang higit na gamitin ang edukasyon para sa pagsasamantala. Patunay nyan ang proyektong NCAE o National Career Assessment Exam na walang ibang layon kundi higit na lumikha ng murang lakas paggawa para sa dayuhan.

Sa kabila nito, sumsisigabo ang kilusang protesta ng mga mag-aaral. Kamakailan lamang, sinagot ng isang malakihang walk-out sa klase ng mahigit 7,000 mag-aaral sa PUP ang panukalang pagtataas ng matrikula mula P12-P75. Patuloy din ang pagkakampanya sa UP Diliman, Earist at iba pang mga paaralan laban sa pagtaas ng mga bayarin.

Kaya naman pilit pinupuntirya ng estado ang kilusang kabataan-estudyante ng mga pakanang panunupil, harasment at pamamaslang. Nangangamba ang rehimeng US-Arroyo na higit na sumigabo ang kilusang kabataan na makapagtutulak ng higit na paglalantad at paglaban sa rehimen.

Nitong nakaraang pasukan, nagbanta ang militar na papasok sa mga paaralan. Nais din ng gubyerno na ibalik ang ROTC upang maging instrumento nito sa higit na panunupil. Todo-todo ang pakanang harasment, pagtarget sa mga lider, at iba’t ibang porma ng panunupil.

Higit na pinatitindi ng US at rehimen ang utak-giyera at teroristang mga pakana nito upang panatilihin ang sarili sa kapangyarihan. Nag-aastang Marcos ito sa ilusyong makokonsolida ang pamumuno ang mananatili pang pangulo hanggang 2010 at lagpas pa.

Ipinagpapatuloy sa balangkas ng Oplan Bantay Laya 2 ang duwag na digma ni Arroyo simula pa noong 2001. Bahagi ng mga atake sa progresibong kilusan ang pagpapakana ng hindi makatarungang panghuhuli kay Prop Jose Ma. Sison at pag-atake sa NDFP peace panel. Signal ito ng tuluyan nang pagbasura ng rehimen sa usapang pangkapayapaan at pagpapatindi lalo ng mga duwag na pakanang panunupil sa mga lider.

Higit na nadaragdagan ang kaso ng mga pagpaslang at pagdakip na pinapakana ng militar. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin inililitaw ng mga militar ang dalawang kasapi ng LFS, sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan.

Sa kasalukuyan, sinasalanta ng giyera ang Mindanao sa pagnunguna ng mga sundalong Amerikano upang higit na maitulak ang kanilang pampulitika, pang-ekonomiya, at pang-militar na adyenda sa Pilipinas at sa Asya.

Sa kabila ng mga ilusyon at kasinungalngan ng paglago ng ekonomiya, higit na krisis ang kinakaharap ng mamamayan. Hindi kailanman masosolusyunan ang tumitinding krisis hanggat malakolonyal at malapyudal ang sistemang panlipunan. Sa katunayan, nagbabadya ang higit na krisis ng Imperyalismong US sanhi ng mga artipisyal na ispekulasyon at overpricing ng lupa na tiyak na sasalanta din sa mga kolonya nito sa kasama ang Pilipinas.

Laksang kabataan, sa pangunguna ng LFS, sa buong bansa ang handang kumilos para sa pagwawakas ng bulok na sistemang panlipunan at para sa pagbigo sa higit na mga atake ng Imperyalismo at ng mga tuta nito sa interes ng mamamayan. Panata nating patindihin ang paninindigan at higit na itaas ang antas ng milanteng paglaban ng kabataan.

Mga tungkulin

Kailangan nating higit na palakasin at palawakin ang ating organisasyon. Dapat tuloy-tuloy na magsagawa ng pampulitikang edukasyon sa hanay ng mga kasapi at masa na magpapaliwanag sa pinakamarami sa katotohanan ng bulok na sistemang panlipunan at pangangailangan ng demokratikong paglaban.

Dapat nating tuloy-tuloy na pamunuan ang mga kampanyang masa ng mga mag-aaral sa buong bansa at matalas itong ikawing sa sektoral at pampulitikang mga usapin. Dapat din nating matalas na ilantad at labanan ang teroristang pakana ng US at ni Arroyo sa ating bayan.

Patuloy nating ibandera ang matalasa na anti-imperyalistang paninindigan at magsagawa ng maramihang mga pag-aaral hinggil sa pangunahing salot na ito ng daigdig. Dapat nating matalas na labanan ang teroritang digma na pinapakana ng imperyalismo sa daigdig.

Kailangang higit na mas marami ang ipaloob sa ating organisasyon. Mahusay na pagtambalin ang agresibong pagpapalawak at pagkokonsolida ng mga balangay. Mapapakilos lamang natin sa epektibong paraan ang laksang libong mag-aaral kung malaking bahagi nito ay organisado at nakapaloob sa ating mga balangay.

Sa paparating na ika-16 na Kongreso ng ating organisasyon sa Oktubre at pagkatapos, inaaasahang higit na mga maniningning na tagumpay pa at patuloy na paninidigan at pakikibaka ang ipapamalas ng LFS. Patuloy na papandayin ang best and brightest sa pamamagitan ng militanteng paglaban at pakikibaka para sa tunay na kalayaan.

Muli, pagbubunyi at pagpupugay sa 30 taon ng paglilingkod at pakikibaka ng LFS. Pinakamataas na pagpupugay kina Cris Hugo, Rie Mon Guran, Farley Alcantara, at iba pang mga kabataang martir na higit nating inspirasyon sa patuloy na pag-aaral, paglilingkod at pangangahas na makibaka.

Ipagbunyi ang ika-30 anibersaryo ng League of Filipino Students!
Mabuhay ang pambansa demokratikong pakikibaka!
Mabuhay ang kabataan at sambayanang lumalaban!
Mag-aral, maglingkod, mangahas na makibaka!
###

0 Comments:

Post a Comment

<< Home