Monday, September 03, 2007

Talakayan hinggil sa pagdakip kay Prof. Jose Ma Sison

Noong Agosto 28, 2007, nagulat ang buong mundo sa balitang inaresto si Prop. Jose Maria Sison ng Dutch police sa kanyang tirahan sa Utrecht, the Netherlands.

Kasabay nito ay ni-reyd ang kanyang bahay. Bandang 9:30 ng umaga, sinira ng mga hindi nakaunipormeng pulisya ang pintuan ng kanyang bahay at buong araw na hinalughog ang kanyang bahay. Pinagkukuha ang mga kompyuter, CD, mga dokumento at iba pa. Ni-reyd din ang opsina ng NDF at mga bahay ng mga opisyal nito sa Utrecht at pinagkukuha ang mga gamit. Walang ipinakitang search warrant sa ilang mga raid.

Ayon Atty. Michiel Pestman, legal counsel ni Prop. Sison, nagpresenta ang Dutch police ng ‘search warrant’ kay Prop. Sison sa kanyang tirahan. Inimbitahan siya ng mga ito na tumungo sa headquarters ng Dutch police para diumano magbigay ng mga update ukol sa mga death threats na natatanggap niya. Pagdating sa Dutch police station, ipinasok si Prop. Sison sa isang kwarto para diumano tanungin. Nang mahiwalay na sa kanyang abogado, agad nang tinangay si Prop. Sison tungo sa sentral na lunsod ng The Hague upang doon iditine.

Sa madaling salita, nilinlang siya ng Dutch police at dinakip siya sa ilalim ng mga iligal at kwestyunableng mga sirkumstansya.

Kinasuhan si Prop. Sison ng ‘inciting murder in the Philippines’ kaugnay sa pagparusa at pagpatay ng mga partisanong yunit ng New People’s Army (NPA) kina Arturo Tabara at Romulo Kintanar noong 2001. Ayon sa Dutch law, maaari nilang kasuhan ng kasong kriminal ang sinumang naakusahang gumawa, nagplano o nag-utos ng krimen kung ginawa ito sa kanilang bansa.

Kasalukuyan pa ring nakakulong si Prop. Sison sa The Hague at malala pa sa pinakamasahol na kriminal ang pagtrato sa kanya. Siya ay nasa solitary confinement, bawal bisitahin ng ninuman bukod sa kanyang abogado. Ni hindi siya pinayagang pumili ng doktor na magbibigay ng medical assistance sa kanya. Bawal ang TV, libro, o kahit man musika sa kanyang piitan.

Matapos ang kanyang initial hearing noong Agosto 31, dinagdagan pa ng Dutch judge ng 14 na araw ang kanyang pagkakakulong dahil mabibigat daw ang mga kasong isinampa sa kanya at baka raw siya tumakas. Sa kabila ng lahat ng ito, nananatiling mataas ang morale ni Prop. Sison ayon sa kanyang abogado at mga mahal sa buhay.

Sino ba si Prop. Jose Maria Sison?
Kung nananatiling matatag si Prop. Sison, ito ay dahil hindi na bago sa kanya ang masadlak sa sitwasyong tulad ng kanyang kinalalagyan sa kasalukuyan.

Mula pa noong itatag niya ang Kabataang Makabayan noong 1968, batid na ni Prop. Sison ang lahat ng panganib at paghihirap na maaari niyang danasin sa ngalan ng pagtataguyod ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Maikling talambuhay
Ipinanganak si Prop. Sison sa pamilya ng mga panginoong maylupa noong Pebrero 8, 1939 sa Cabugao, Ilocos Sur. Grumadwyet siya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1959.

Naging panandang-bato sa kasaysayan ng kilusang kabataan-estudyante ang puspusang pagkawing ni Prop. Sison sa KM sa mga unyon ng mga manggawa, lalo na sa Lapiang Manggagawa kung saan tumayo rin siya bilang pangkalahatang kalihim. Noong 1966, naging tagapagtatag na pangkalahatang kalihim siya ng Movement for the Advancement of nationalism (Man), isang malawak na alyansa para sa pambansang soberanya at demokrasya. Mula 1963 hanggang 1968, naging editor din si Prop. Sison ng dyornal na Progressive Review.

Taong 1971 nang isulat at ilathala ni Prop. Sison ang Philippine Society and Revolution (Lipunan at Rebolusyong Pilipino) na siyang nagsilbing esensyal na gabay sa pagtalakay ng pambansa demokratikong kilusan sa pagsusuri at mga tungkulin nito sa lipunang Pilipino.

Si Prop. Sison rin ang naging tagapagtatag na tagapangulo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1969 sa diwa at gabay ng Kaisipang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Noong Marso 1969, pinangunahan niya ang pagtatatag ng NPA, ang armadong pwersa ng PKP. Mula noon ay naglunsad na ang NPA ang pakikidigmang gerilya na kumalat sa pambansang saklaw.

Bago maaresto si Prop. Sison noong Nobyembre 1977, siya ang tumayong pampulitikang lider ng PKP at nagpayaman sa mga ideolohikal na batayan ng PKP. Nang makalaya siya matapos ang unang People Power uprising noong 1986, pumasok si Prop. Sison bilang faculty sa Asian Studies Center sa UP.

Kinansela ng gobyernong Aquino ang kanyang passport nang magtungo siya sa Europa noong 1988 at mula noon ay naninirahan na sa Netherlands bilang political refugee at nagsilbing Chief Political Consultant ng NDFP; at nitong huli’y tagapangulo ng International League of People’s Struggles (ILPS), isang pandaigdigang organisasyong anti-imperyalista.

Listahan ng mga ni-recycle at gawa-gawang kaso
Sa lahat ng mga kasong isinampa kay Prop. Sison, wala ni isang napatunayan at naipanalo dahil na rin sa kawalan ng mga ligal na batayan.

Makailang-ulit nang nagsasampa ng mga gawa-gawang kaso at panggigipit kay Prop. Sison, mula pa ng panahon ni Marcos hanggang sa kasalukuyan, ngunit lahat ng mga ito ay ibinasura ng korte at napatunayang pakana lamang at gawa-gawa.

1977-1986 – Ikinulong at matinding tortyur sa ilalim ng diktaduryang Marcos, kinasuhan sa dalawang magkaibang komisyong militar ng rebellion at subversion. Ang mga kasong ito ay ibinasura matapos mapatalsik si Marcos. Lumaya si Prop. Sison noong Marso 5, 1986 at pumasok bilang faculty ng Asian Studies Center at University of the Philippines.

1988 – Nagsalita si Prop. Sison, mula Setyembre 1986, sa mga unibersidad sa iba’t ibang panig ng daigdig hinggil sa kalagayan ng Pilipinas. Inatake ng militar ang kanyang mga pahayag at pinressure ang gubyerno ni Aquino na ikansela ang kanyang passport. Kinasuhan siya muli ng gawa-gawang ng subversion at kinansela ang kanyang passport.

1988-1992 – Naghapag ng political asylum si Prop. Sison sa The Netherlands noong Oktubre 1988 dahil sa arbitraryong pagkansela sa kanyang pasaporte. Dahil sa matinding interbensyon ng gubyerno ng Pilipinas, hindi binigyan ng asylum si Prop. Sison ng Dutch Ministry of Justice noong July 1990.

Pero ang desisyong ito ay binaliktad ng mas mataas na Judicial Department of the Council of State noong 1992 na nagpapawalang-bisa sa desisyon. Kinilala si Prop. Sison bilang political refugee at tinuligsa ang panggigipit sa kanya.

1992-1994 – Sa kabila nang desisyong ito ng Council of State, hindi pa rin binigyan ng asylum si Prof. Sison. Nirepeal na ang Anti-Subversion law noong 1992 sa Pilipinas na siyang batayan ng mga kaso, at dinidmiss na ng Pasig city court ang kasong subersyon. Ibinasura na rin noong Abril 1994 ang kaso ng Plaza Miranda bombing noong 1971 na “pawang ispekulasyon.”

Hindi pa rin ibinigay ang asylum at sa halip ay binansagan siyang “terorista” dahil sa mga gawa-gawang intelligence reports.

1995 – 1996 – Pinagtibay ng Council of State at iba pang korte ang kanyang mga karapatan bilang refugee at dahil wala naman siyang mga kaso, dapat siyang bigyan ng residency sa Netherlands. Pero sa kabila nito’y ginipit pa rin si Prop. Sison dahil umano sa mga ulat na may “links ito sa mga terorista.”

1998 – Abril 1998, ang justice secretary ng Pilipinas ay naglabas ng certification na nagsasabing wala ng pending na kaso laban kay Prop. Sison. Pero tuloy-tuloy ang gubyerno sa mga atakeng propaganda.

2001- 2002 – Nagrekwes sa US ang gubyerno na ilagay si Prop. Sison sa listahan ng mga “terorista.” Agosto 2002, nilagay ng US si Prop. Sison sa listahan ng mga “terorista.” Malinaw itong walang batayan dahil wala namang anumang kaso na maaaring pagbatayan nito. Sa kabila nito, pinagbawalan sya magtabaho, tinanggalan ng mga benepisyo, finreeze ang bank account. Kahit ang royalty payments sa pag-akda ng libor pinagbawal. Nilabag ang kanyang mga batayang karapatang pantao. Itinulak ding ilagay siya sa “terrorist blacklist” ng European Union na kanilang sinunod.

2003 – Kinasuhan si Prop. Sison ng pagpatay kay Col. Rodolfo Aguinaldo. Agad itong naisantabi ng mga abugado dahil sa malinaw na pagiging gawa-gawa nito at politically motivated.

2005-2006 – Nagsampa ng kung ano-anung gawa gawang kaso kasama na ang pagsampa ng kasong rebelyon noong Abril 21, 2006 kasama ang 50 pang mga tao, kasama ang Batasan 6. Saklaw nito lahat ng mga ginawa umano nya mula noong 1986, sa kabila ng mga nauna nang pagbabasura ng korte.

2007- Hulyo 2007, nagdesisyon ang European Court of First Instance na nagpapawalangbisa sa paglalagay kay Prop. Sison sa “terrosit list” at pagfreeze sa kanyang assets. Pinagbayad ng korte ang EU Council sa mga gastos sa litigation. Maaari pang kasuhan din ang Dutch government at pagbayarin ito sa paglabag sa karapatan ni Prop. Sison.

Hulyo 2, ibinasura na ang kaso ng rebelyon laban sa kanya at lahat ng mga umano’y ebidensya simula ng 1968 hanggang 2006, kasama ang sa mga akusasyon na ibinabato sa kanya sa kasalukuyang kaso. Lahat ng ebidensya ay hindi na maaaring gamitin sa mga bagong kaso sa korte ng Pilipinas.

Samakatuwid, malinaw na walang batayan ang mga panibagong kaso at panibago na naman itong paggagawa-gawa ng kaso para lamang i-harass at gipitin si Prop. Sison.

Bakit dapat ipanawagan ang kagyat na pagpapalaya kay Prop. Sison?
Makatarungan at dapat lamang na dumagundong ang panawagang kagyat na palayain si Prop. Sison dahil sa mga sumusunod na mga dahilan:

Recyled at gawa-gawa ang mga kasong isinampa sa kanya

Walang ligal na batayan, maging sa international laws, ang ginawang pag-aresto at patuloy na pagkulong sa kanya ng Dutch government.
Pinapatunayan lamang nito ang desperasyon ng gobyerno ni Arroyo at pakikipagkunstabahan nito sa gobyernong Dutch para masakote si Prop. Sison. Unti-unti na ring lumalabas ang interes at motibo maging ng imperyalistang US sa kaso ni Prop. Sison sa pamamagitan ng pinakahuling pahayag ni US Ambassador to the Philippines Kirstie Kenney na gagawin ng US ang lahat ng makakaya nito para ‘makatulong’ sa kaso sa ngalan diumano ng ‘gera laban sa terorismo.’

Lantaran nitong sinasabotahe ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at Republika ng Pilipinas

Sinasalamin ng pag-atake at pag-reyd sa sentral na opisina ng nDFP na kailanman ay hindi sinsero ang RP na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan. Bagkus, walang ibang layunin ito kundi ang ibulid ang NDFP sa kapitulasyon (pagsuko) sa mga kagustuhan ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo nang walang karampatang pagdinig at konsiderasyon sa mga lehitimong panawagan ng rebolusyonaryong kilusan.

Tulad ng ginawa nito sa MILF, gumagawa ng scenario ang RP upang i-demonize at ipawalambisa ang usapang pangkapayapaan habang buong kapal ng mukha na ipinangangalandakan ni Arroyo na ‘I have a peace to win’. Ang totoo, bukambibig ng gobyerno ang kapayapaan ngunit naghahanda ito para sa isang mas mapanupil at mapinsalang digmaan.

Lalong paiigtingin ng gobyerno ni Arroyo ang all-out-war laban sa ‘terorismo’
Ilang ulit mang ikaila ni Arroyo at ng mga alipores niyang sina National Security Adviser Norberto Gonzales at DOJ Sec. Raul Gonzales na wala raw bahid ng pulitika ang pagkaaresto kay Prop. Sison sa usapang pangkapayapaan dahil ito raw ay isa lamang kasong kriminal, mahalagang mabatid at masuri ang implikasyon nito sa paglaban ng malawak na mamamayang Pilipino para sa karapatang-tao at demokratikong mga karapatan.

Tinatayang tiyak na gagamitin ng RP ang pagkaaresto kay Prop. Sison upang bigyang-daan ang higit pang pagsupil sa mga ligal at lehitimong organisasyong matagal nang isinasangkot sa kanya at binabansagang komunista. Sa pamamagitan ng bisa ng Human Security Act o Terror Law, bibigyang ligal na batayan ang panggigiit sa mga organisasyong tinaguriang ‘communist fronts’ o di kaya’y sa mga personalidad at lider-aktibistang kilalang kritiko ng gobyerno.

Mangyari pa, naghahanda rin ang gobyerno ni Arroyo na supilin at dahasin ang mga malalakihang pagkilos bilang pagkondena sa ginawang pagkulong kay Prop. Sison. Isang halimbawa na rito ang di-makatarungang pagbuwag sa ginawang pagkilos ng mga progresibong organisasyon, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan, sa Dutch Embassy kamakailan lang.

Ang pagtanggol sa karapatan ni Prop. Sison ay pagpapatibay sa pambansa demokratikong adhikain ng mamamayan
Hindi makakailang kinakatawan ng buhay at pakikibaka ni Prop. Sison ang kawastuhan at katatagan ng pambansang demokratikong adhikain sa harap ng ilang dekada nang mga pagsubok at pakikibaka.

Ang atake kay Prop. Sison ay atake sa lahat demokratikong at anti-imperyalistang interes na matagal na niyang ipinaglalaban. ###

Palayain si Prop. Jose Maria Sison!
Kondenahin ang panggigiit ng gobyernong US-Dutch-Pilipinas!
Itaguyod ang usapang pangkapayapaan!
Isulong ang pambansa demokratikong pakikibaka!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home