STP (Siyam na Taong Pakikibaka) ng Anakbayan!
Mabuhay ang Siyam na Taong Pakikibaka ng Anakbayan!
Sulong tungo sa isang dekada ng militanteng paglaban,
masikhay na pag-aaral at puspusang pag-oorganisa!
masikhay na pag-aaral at puspusang pag-oorganisa!
Pahayag ng Anakabayan sa
kanyang Ika-9 na Anibersaryo
Pambansang Komiteng Tagapagpaganap
Nobyembre 30, 2007
kanyang Ika-9 na Anibersaryo
Pambansang Komiteng Tagapagpaganap
Nobyembre 30, 2007
Ipinagdiriwang ng Anakbayan ang ika-9 na anibersaryo nito sa diwa ng rebolusyonaryong tradisyon ng Kabataang Makabayan na itinatag noong 1964, at ng kadakilaan ni Gat Andres Bonifacio. Isa itong pagdiriwang kasama ang mamamayang Pilipinong patuloy na nakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo’t burukrata kaptalismo sa tunguhing makamit ang pambansang paglaya’t demokrasya.
Hindi magiging maningning at matagumpay ang Siyam na Taong Pakikibaka ng Anakbayan kung wala ang militanteng paglaban, masikhay na pag-aaral at puspusang pag-oorganisa ng mga kasapi at balangay nito. Ngayong ika-9 na taong ng Anakbayan, mainit ang ating pagkilala at pagpupugay sa lahat ng mga magigiting na Anakbayan na walang-sawang nag-ambag ng kanilang lakas at talino alang-alang sa sambayanan.
Pinakamalugod na pagbati ang nais ipaabot ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng Anakbayan sa patuloy na lumalawak na mga balangay nito sa ibayong-dagat. Gayundin, pinakamataas na pagkilala sa mga Anakbayan na taus-pusong sumanib sa kilusan ng masang manggagawa at magsasaka; habang sadyang di matatawaran ang lumalakas, lumalawak at lumalabang pwersa ng Anakbayan sa mga komunidad at paaralan. Ang kasalukuyang malaking bilang ng mga kasapi ng balangay ng Anakbayan ang siyang buhay na testimonya ng Siyam na Taong Pakikibaka nito.
Higit sa lahat, pinakamataas na pagtatangi at pagpupugay ang iginagawad ng Anakbayan sa lahat ng mga dakilang martir nito na nag-alay na kanilang buhay para sa sambayanan. Sila ang nagsisilbing inspirasyon at huwaran ng mga bagong dugo ng Anakbayan sa kasalukuyang panahon at sa hinaharap.
Siyam na Taong Pakikibaka
Ang siyam na taong pakikibaka, tulad ng anupamang pakikibaka, di man dalisay ay kakikitaan ng malalaking mga tagumpay.
Kinatatangian ito ng mayamang karanasan sa pagpupukaw, pag-oorganisa at militanteng pagkilos ng kabataan. Hindi kailanman ito lumayo o lumihis sa pangkalahatang komprehensibong oryentasyon ng Anakbayan. Kung saan may kabataan, may Anakbayan – sa hanay man ng mga estudyanteng nasa loob ng mga paaralan, mga kabataang di nakakapag-aral, mga kabataang kalahok sa produksyon sa mga pagawaan man o kabukiran, mga kabataang migrante, at mga kabataan sa iba pang mga aping sektor ng lipunan.
Hindi naging madali ang pagsisimula ng pagtatag ng Anakbayan. Ipinanganak ito sa panahon ng papatinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino, at agad na sumabak na hamon ng panahon. Oktubre 1999, ilang buwan bago ang unang anibersaryo ng Anakbayan, buong-loob na pinagpasyahan ng Pambansang Komite sa Pag-oorganisa ng Anakbayan sa unang pulong nito ang panawagang patlasikin si dating pangulong Joseph Estrada sa pwesto.
Ang kapasyahang ito sa pambansang saklaw ng Anakbayan ang nagluwal sa sunud-sunod na pagkilos ng libu-libong kasapi, masaklaw at masigasig na pagpukaw at pag-organisa upang matagumpay ng mapalaganap ang paglaban sa pahirap at korap na rehimeng Estrada at tuluyan na siyang mapatalsik sa pwesto.
Ibinunsod din ng malawakang pangangampanya ang alon-along paglawak ng Anakbayan sa una nitong mga taon. Mula nang inilunsad ang Pambansang Kumperensya ng Pagtatag noong Nobyembre 30, 1998, itinayo na ang Anakbayan sa iba’t ibang rehiyon, sa batayang antas, antas siyudad, probinsya’t rehiyon. Mabilis ang naging paglawak kapwa sa mga paaralan, mga komunidad sa siyudad, at pamayanan sa nayon.
Ang mga taong 2000-2001 ay kinatampukan din ng masiglang mga paglaban para sa TLEKS (trabaho, lupa, edukasyon, karapatan at serbisyo). Laganap sa mga paaralan at komunidad ang kampanya at pakikibakang-masa laban sa pagtataas ng matrikula at pagkaltas ng budyet sa edukasyon, sa “all-out war” ng rehimeng Estrada sa Mindanao, sa pagtaas ng presyo ng langis, sa matinding katiwalian sa gobyerno.
Matapos ang matagumpay na pagpapatalsik kay Estrada, inilunsad agad ng Anakbayan ang kilusang walk-out sa klase laban sa ROTC (Reserved Officers’ Training Corps) upang ipanawagan ang pagbubuwag nito. Umalingawngaw sa buong bansa ang panawagang “ABOLISH ROTC!” at "Dagdag Bayarin, ROTC Buwagin!" kaugnay pa rin ng matataas na singilin sa mga paaralan. Dumulo ito di naglaon sa tuluyan nang pagkabuwag ng ROTC at hinirang bilang isang maningning na tagumpay ng kilusang kabataan at estudyante.
Sa mga taong 2002-2003, nagsimulang umusbong bilang malakas na larangan ng labanan ng Anakbayan ang mga komunidad. Tinanganan nito ang pakikipaglaban para sa pagtaas ng sahod ng manggagawa, paglaban sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, mataas na singil sa kuryente, at mga demolisyon sa maralitang komunidad.
Naganap ang mga ito sa gitna ng umiigting ding pakikibaka ng kabataan laban sa mga gerang agresyon at panghihimasok ng imperyalistang Estados Unidos sa pambansang soberanya at patrimonya. Nakapamuno ang Anakbayan upang labanan ang gerang agresyon ng Estados Unidos sa Iraq at Afghanistan at ang panghihimasok nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Visiting Forces Agreement at panunumbalik ng mga base military sa bansa.
Ang lahat ng ito ay hindi maisasagawa kung hindi matamang nag-aaral at nagsusuri ang mga kasapi ng Anakbayan sa pambansang kalagayan, at masusing naikakawing ito sa lokal at pandaigdigang mga pakikibaka. Sa pamamagitan ng masikhay na pagtaas ng pampulitikang kamulatan ng kanyang mga kasapi, siya ring umaani ang Anakbayan ng mga kadre-aktibista at lider-kabataan na namumuno sa sinasabak nitong mga kampanya at pakikibakang-masa.
Nabubulok na estado sa ilalim ni Arroyo
Taong 2004-2005, inilunsad ng Anakbayan ang mga militanteng pagkilos para sa pagpapasigla ng kilusang pagpapatalsik sa kinamumuhian nang rehimeng Arroyo – mula sa paglantad at pagkondena sa kontrobersiyang Hello Garci; paglaban sa pangungurakot ng mag-asawang Arroyo; pakikipaglaban sa kapakanan ng mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita; at, paglaban sa pampulitikang pamamaslang at panunupil.
Sa nakaraang dalawang taon, abot-abot na ang pagkamuhi ng kabataan at mamamayan sa salimbayang pagpapahirap at pang-aapi ng rehimeng Arroyo. Nilabanan ng Anakbayan ang panibagong pasakit sa mamamayan na R-VAT (Reformed Value Added Tax); ang pakanang charter change ni Arroyo, militarisasyon sa mga kampus at lunsod. Inilunsad ang mga pagkilos at boykoteo sa mga paaralan laban sa pagtaas ng matrikula at panunupil sa mga demokratikong karapatan sa loob ng kampus.
Walang kapantay na ang desperasyong ipinapamalas ni Arroyo sa kasalukuyan. Ang samu’t sari niyang maniobra, pandarahas, panlilinlang at pagnanakaw sa kaban ng bayan ay lalo lamang nagpapainit sa nag-aalimpuyo nang galit ng mamamayan. Ang bawat hakbang na ito, sa halip na isalba ang kanyang imahe, ay pawang nagsisilbi upang ibayong ihiwalay si Arroyo sa mamamayan.
Ang matinding yanig ng pampulitikang krisis ng rehimen ay may kaakibat na papatinding krisis sa ekonomiya. Upang mapanatili ng pangkating Arroyo ang suporta ng imperyalistang US, bigay-todo ito sa pagbibigay pabor sa mga neo-liberal na patakaran ng imperyalismo at sa dikta’t interes ng mga dambuhalang negosyong dayuhan. Pinasisinungalingan ng matinding kagutuman, kahirapan at kawalang-kabuhayan ang mga ipinagmamalaking paglago sa ekonomiya ng Malakanyang.
Nananatili ang malawakang pambubusabos sa kabataan sa mamamayan. Kinatatangian ito ng patuloy na pagkait sa mga kabataan sa karapatan sa edukasyon bunsod ng pangkalahatang programa ng pamahalaan sa komersyalisasyon. Libu-libong pamilya ang biktima ng demolisyon ng kanilang mga tirahan at kabuhayan. Walang-habas ang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang mga batayang bilihin at produkto.
Sa halip na paunlarin ang mga industriya ng bansa, isinasapribado ng gobyerno ang mga natitira pang kontralado’t pagmamay-aring korporasyon at pampublikong serbisyo. Gayundin, taliwas sa pagpapatupad ng isang tunay na reporma sa lupa upang maging tuntungan ng pambansang industriyalisasyon, lalong kinokonsentra ng gobyerno ang mga agrikultural na lupain sa kamay ng mga dayuhang agro-korporasyon at mga lokal na panginoong maylupa.
Tuloy-tuloy nang nalalantad ang kabulukan ng rehimeng Arroyo at lalong bumibilis ang pagkakahiwalay ni Arroyo sa malawak na mamamayan. Dahil sa kagahaman nito sa kapangyarihang pampulitika, lalong nabibitak ang hanay ng naghaharing uri at patuloy na dumadusdos ang ekonomiya. Sumisidhi ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.
Tungo sa Unang Dekada
Napakainam ng kasalukuyang kalagayan para sa pagmumulat, pag-oorganisa’t pagpapakilos sa mamamayan. Muli na namang hinahamon ang Anakbayan ng kanyang panahon upang paghusayin ang kanyang mga tungkulin.
Kinakailangan ang mabilis nating pagkilos, pagtungo kung nasaan ang masa, mas masinsin nating pagmumulat at pag-oorganisa, at ang malakihang pagpapakilos sa kanila. Dapat magpakahusay tayo sa pag-uugnay sa pambubusabos na nararanasan ng mamamayan, sa mga patakaran ng papet na gobyerno, at sa pangkalahatang krisis ng ating lipunan. Dapat mapanday natin ang mga pinakamahuhusay na lider at aktibista.
Kinakailangan ang mas masiglang kampanya sa pagpapanagot sa mga kasalanan ni Gloria sa bayan –ang pandarambong niya sa kayamanan ng bayan, matinding katiwalian, at maging ang kanyang pandarahas sa mamamayang lumalaban. Kahit sa harap ng pasismo, mananatili tayong matatag at palaban, sa ating pagpupunyagi sa ating pakikibaka.
Ang ating pakikibaka ay magiging malakas lamang kung ito ay nakasanib sa pakikibaka ng batayang masa, ng malawak na mamamayang api; at kasama nila isulong natin ang ating pambansa demokratikong pakikibaka sa mas mataas na antas.
Tanawin nating ang ating unang dekada ng bitbit ang diwang palaban at may direksyon tungo sa ibayong pagsulong ng ating organisasyon. Isulong at ipagpatuloy ang militanteng paglaban, masikhay na pag-aaral at puspusang pag-oorganisa. Itunton ang lakas at talino para sa pagpapatalsik sa kasalukuyang rehimen at pagbabago sa mismong sistemang panlipunang kinakatawan nito. Ubos-kayang ipamalas ang patuloy na lumalakas, lumalawak at lumalabang kabataan para sa pagsusulong ng pambansa demokratikong mga layunin ng sambayanan.
Maaliwalas ang kinabukasan ng Anakbayan at nagkakaisang kabataan. Sulong Anakbayan!
Tungo sa mas malalaki pang tagumpay kasama ang mamamayang Pilipino! Mabuhay ang kabataan, at mamamayang lumalaban!
0 Comments:
Post a Comment
<< Home