Sunday, February 26, 2006

BAYAN Statement

Paigtingin ang pakikibaka! Biguin ang state of emergency ng pasistang rehimeng Arroyo!
Pebrero 27, 2006

Ang deklarasyon ng State of National Emergency, sa bisa ng Presidential Proclamation 1017, ay isang desperadong hakbang ng lubhang nahihiwalay at nabubulok na rehimeng US-Arroyo. Nananawagan ang Bayan sa lahat ng mga balangay at kasaping organisasyon nito na maging matatag sa gitna ng tumitinding panunupil at paigtingin ang pakikibaka para alisin ang papet, pasista, pahirap sa masang rehimen.

Ipinapakita ng malawak na hanay na anti-Arroyo ang determinasyong biguin ang mapanindak na proklamasyon. Sa kabila ng deklarasyon ay nagtuloy ang mga malalaking protesta sa NCR at sa buong kapuluan.

Palaban ang iba't ibang grupo; nagsasanib at nagtutulungan para laban ang mga desperadong hakbang ng rehimen.

Tinangka mang buwagin ang ilang mga protesta ay nagawa pa ring makapagtipon at makapagpahayag ng iba' t ibang grupo sa iba't ibang paraan. Ang mga pag-aresto at tangkang pag-aresto sa mga lider ng kilusang anti-Arroyo ay umani ng malapad na pagkondena mula sa iba't ibang sektor ng lipunan.

Ang tuwirang atake sa kalayaan sa pamamahayag, sa kaso ng raid sa imprenta ng Daily Tribune, ay isyung nagbubuklod sa mass media para labanan ang panunupil. Nanindigan ang mga pangunahing samahan at organisasyon sa media laban sa panunupil sa kalayaan sa pamamahayag.

Patuloy na nananawagan ng pagbibitiw ni Arroyo si dating pangulong Aquino. Si Ramos naman ay naglabas na ng pinaka-kritikal niyang komentaryo sa rehimen sa pagsasabing mala-Marcos ang deklarasyon ng state of emergency at ang suporta niya sa rehimen ay nagmamaliw na. Iba't ibang grupo at lider ng simbahan ang kumokondena sa emergency rule. Aktibong-aktibo din ang iba't ibang samahan ng abogado na lalabanan ang PD1017
sa korte.

Ang state of emergency ay hindi palalagpasin ng mamamayang lumalaban. Naninindigan ang iba't ibang pwersa't grupo na hindi maaaring hayaang bumalik ang madilim na yugto ng batas militar ni Marcos.

Palaban ang kilusang masa at ang buong malapad na hanay na anti-Arroyo. Determinado sila na biguin sa lalong madaling panahon ang terror na isinasambulat ni Arroyo.

Patuloy nating ilunsad, paigtingin at palaganapin ang mga iba't ibang tipo ng kilos protesta sa iba't ibang antas. Makipagtulungan sa iba't ibang grupong anti-Arroyo. Maglunsad ng mga pagtitipon, misang bayan, prusisyon, teach-ins, forum at iba pa. Maglabas ng mga pahayag, magsuot ng mga ribbon at pins, ipakita ang lantad na paglaban sa emergency rule. Sa kalagayan ng matinding panunupil, maging mapanlikha sa mga porma ng protesta at pagtitipon. Abutin ang pinakamalapad na hanay ng masa, panggitnang pwersa at maging mga konserbatibong anti-Arroyo.

Huwag masindak. Tuloy ang laban, hanggang sa tagumpay!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home