Monday, February 06, 2006

Wowowee: Ratings, o Kahirapan at Pananagutan

ni Teo. S. Marasigan

Kahirapan ang madaling naging bukang-bibig sa pagpapaliwanag sa nangyari sa unang anibersaryo ng palabas na Wowowee nitong Pebrero 4. Dahil sa kahirapan, nagbaka-sakali ang libu-libo nating kababayan na sumali at manalo sa mga palaro ng nasabing programa ? na nangakong magbibigay ng maraming papremyo sa pagdiriwang nito. Kailangan nga lamang pumila: Kaya dumating ang mga pinakamaaga tatlong araw bago ang programa. Marami ang nagbaon na ng pagkain, tubig at tulugan. Kahirapan, sa kahuli-hulihan, ang dahilan sa pagkamatay ng mahigit 70 at pinsala sa mahigit 250 pa.

Madaling maunawaan ang ganitong paliwanag. Dahil tuluy-tuloy na lumiliit ang kita ng karaniwang tao, dumadausdos din ang kalidad ng pagkain niya: Mula sa dating galunggong, gulay at sardinas hanggang sa instant na pansit kanton ng marami ngayon. Kilalang masayahing tao ang mga Pilipino, pero rumurok nitong huli ang bilang ng nagpapakamatay sa atin, habang lumalaganap ang mga daing at kawalan ng pag-asa. Habang walang ibinibigay na serbisyong panlipunan ang gobyerno, lalo nitong pinipiga ang buwis sa karaniwang tao. Walang mawawala sa kanya kung subukan ang tsamba.

Pinakamalapit na maihahambing ang pagguho ng bundok ng basura sa Payatas noong 2000 na pumatay ng daan-daang maralitang nakatira doon. Sa pagsisikap mabuhay, namamatay ang mga Pilipino -- sa masasaklap na pagpapamukha ng pagiging bulok ng gobyerno at mga naghaharing uri sa bansa. Pawang nagpapatotoo ang Payatas 2000 at Ultra 2006 sa sinabi ng isang pilosopo na "Ang mga krisis ay kinakatangian mismo ng katotohanang ang luma ay namamatay na at ang bago ay hindi pa maisilang: sa ganitong pagitan, maraming klase ng nakakarimarim na sintomas ang lumilitaw."

Nakakapagduda, gayunman, kapag nagkakaisa ang iba't ibang grupo sa pagsasabing kahirapan ang sanhi ng trahedya. Totoo, pero hindi buong katotohanan. Hindi lamang kulang ang ganitong paliwanag. Sa pinakamasahol, pinagtitibay nito ang pagtingin ng mga naghaharing uri at pinapalaganap sa midya na ang maralita o ang tinatawag na 'masa' ay magugulo ? hindi sumusunod at bagkus ay lumalaban sa kaayusan. Sa ganitong paliwanag, abswelto na ang mga naghaharing uri na may responsibilidad sa nangyari. Lumilitaw na ang gusto lamang nila ay 'magpasaya' sa mga kababayan natin.

Totoong-totoo, pero hindi buong katotohanan. Gustung-gusto ng mga kumpanya sa telebisyon na magpasaya sa ating mga kababayan dahil kaakibat nito ang kanilang kita o ganansya. Partikular sa palabas na ito, napili nilang taktika 'para habulin ang kalabang nangunguna' ang pamimigay ng marami at malalaking papremyo sa mga kalahok at manonood. Dahil hindi nila kayang talunin sa pagpapatawa ang kalaban, hinahabol nila ito sa pagpapaulan ng pera. Sa likod ng mapagkawanggawang retorika, malinaw nilang pinag-iisa ang kaligayahan ng tao at ang pagkakaroon ng pera o yaman.

Nagtagumpay sila. Pero nanawagan sila ng kapangyarihang hindi nila kayang kontrolin. Noong hindi natuloy ang pangakong pamimigay ng tiket sa pagpasok at palaro noong 6:00 ng umaga, nainip ang tinatayang 50,000 kataong naghintay sa labas. Nagtipon sila sa harap ng pasukan at naggiit na makapasok. Pinapasok sila ng mga gwardya. Pagkatapos, inanunsyo na 17,000 katao lang ang makakapasok. Sa puntong ito naggiit at nagtulak ang mga nasa likod. Bumigay ang pasukan noong 6:45 ng umaga, kasabay ng malakas na patugtog ng musika. Sinasabing apat na patong ng bangkay ang naiwan.

Kailangang balansehin ang kahirapan at pananagutan sa pagpapaliwanag sa naganap. Kahit sa ganitong kwento, malinaw na may mga hakbanging maaaring ginawa para ayusin ang hanay ng mga manonood pero hindi ginawa. Hindi naging sensitibo ang mga organisador sa kinahantungan ng pang-aakit nila sa mga maralitang nagtipon sa labas ng kanilang palabas. Ginatungan pa ito ng ininterbyung 'sosyologo' ng parehong istasyon: Dahilan din daw ang 'pagkamakasarili' ng mga maralita sa nangyari. Hindi nila nauunawaan ang pwersa ng pangarap, pananampalataya, at pag-asa ng mga maralita.

Sa isang siko-analitikal na yugto, sinabi pagkatapos ni Willie Revillame: "Sa inyo na ang ratings." Lumabas din ang totoo: Hindi nagagalit-naggigiit at naiipit-namamatay ang ratings.

Sumulat sa tsmarasigan_kritika@yahoo.com

4 Comments:

At 7:10 AM, Anonymous Anonymous said...

Di-masisi ang hangad na tumaas ang rating. Masisisi sa kawalang preparasyon at kawalaang paki. Isa pa, maaaring ignorante ABS-CBN sa paghawak ng malaking tipunan, ngunit mas malamang na, "they just did not care!" Sino ba naman sa may kaya ang may awa sa bakya? Hindi na mawawala ang ipokritang ugali ng pinoy.

 
At 8:26 PM, Anonymous Anonymous said...

this is a case of trying to surpass
and get rid of an institution like eat bulaga which can never be. in short the ratings game. noon pa man eto na ang gustong mangyari ng abs-cbn pabagsakin ang eat bulaga after failing to maintain eat bulaga in their turft dahil sa kagustuhang sila ang mag-produce ng nasabing programa.sari saring programa ang itinapat pero kwidaw.and it shows, kahit gumastos ng milyon-milyon. sa sobrang gahaman ng may-ari at namumuno ng nasabing stasyon. "karma" .tulad ng ginagawa nila sa iba pa nilang kompanya.

 
At 10:40 PM, Anonymous Anonymous said...

hindi natin pweding sisihin ang ABS-CBN dahil hangad nila ang tumulong hindi lang dahil sa rating o sa pera ito ay dahil sa kanilang pagiging filipino, we know naman na gma and abs-cbn have the same purpose of having a show like wowowee

 
At 8:03 PM, Anonymous Anonymous said...

i thing nag wowowwe is not a good show!oo ngat nakaka2long cla pero d ginagawa nbilang mga tamad ang mag tawa tinuturuan nila ang mga tao n humingi at d gumawa paraan n pinag hirapan nila masyado nmn mapagbigay ang host sasabihin lng n ang guwapo mu papa willie magbibibgay n ng pera.talagang PUPPY K NGA hahahahaha

 

Post a Comment

<< Home