Sunday, February 05, 2006

Sino'ng 'di mawiwili?

Halos 80 katao ang namatay sa stampede sa anniversary celebration ng Wowowee kahapon. Mahigit 300 pa ang sugatan o di kaya'y nasa kritikal na kundisyon.

Balintuna sa bunton ng mga bangkay ang pananatili pa rin sa Ultra stadium ng ilang nating mga kababayan. Umaasa silang matutuloy pa rin ang palabas. May ilan kasi sa kanilang nanggaling pa sa ibayong mga probinsya, o nagpalipas na ng gabi sa labas ng Ultra. Masikip sa dibdib ang iisang sambit sa mga dosenang interbyu, "Gusto lang namin ng pagkakataong manalo ng mga premyo. Hindi namin lubos-akalaing magkakaganito."

"Hindi mo kasalanan!" Ito naman ang sigaw ng mga taga-suporta ni Wowowee Willy Revillame. Sino, kung gayon, ang may sala sa trahedyang ito?

Hindi nga naman kasalanan ni Willy. Siya na rin ang nagsabi, host lang siya. Wala siyang ibang hiling kundi mapasaya ang mga tao. Gayon din ang pahayag ni Charo Santos-Concio, "Wala kaming ibang hangad kundi bigyang pag-asa ang naghihirap na mamamayang Pilipino."

Pero ito nga malamang ang pinakamalaking trahedya ng mga noon time show na tulad ng Wowowee. Higit pa sa pagbibigay ng entertainment o kasiyahan sa mga tao, di-maikakailang nakasalalay ang popularidad ng palabas sa P2 milyon, bahay at lupa o isang pampasaherong dyip na ipinamimigay nitong papremyo bilang pang-engganyo.

Kung may kapital ang kasikatan ni Willy at ng Wowoweee, ito ay ang laganap na kahirapang dinaranas ng bansa. Hindi na basta-bastang host o artista si Willy. Kinakatawan na niya pilantropiya ng Kapamilya. Sa Wowowee, laging namimigay ng pera. Hindi ka man manalo, siguradong pamatid-gutom ang packed lunch na kanilang araw-araw na ipinamumudmod. O tiyak rin ang pamasahe man lang pauwi para sa kanilang pinakadesperadong mga tagahanga.

Ilang beses na rin nating napanood ang success stories ng ilang mga pinalad na maging instant milyunaryo. Ito malamang ang pinanghahawakan ng pinakamahirap sa mahirap nating mga kababayang nagtayo na ng mini-community sa labas ng gusali ng ABS-CBN sa Sgt. Esguerra. Ito rin marahil ang bakasakaling bitbit ng mga nanay, tatay at iba pang 'kapamilyang' matiyagang pumila at nakipagsiksikan sa Ultra kapahon ng umaga.

Kung dati'y sinabi ng magiting na si Eman Lacaba na, "Ang relihiyon ang opyo ng mamamayan," panandaliang saya at ginhawa naman ang singhot-rugby na dulot ng mga programang tulad ng Wowowee sa telebisyon.

Samantala, hindi man itinuloy ang palabas kahapon, the show must go on pa rin ngayon. Umabot ng 80 ang patay, pero pawang nagdadalamhating mga mukha ng mga paborito nating artista ang nakapokus sa kamera sa alay nilang misa kaninang umaga.

Nakagagambalang sa gitna ng pinakamasahol na trahedya sa kasaysayan ng telebisyon, nananatiling kontrolado pa rin ng network ang dikta sa ating mga emosyon.

Habang nanonood ng misa, inuudyukan tayong mag-abang kung mababasag ang boses ni Kris Aquino habang binabasa ang Liturgy of the Word; o tunghayan ang mahigpit na kapit-yakap ni Maricel Soriano kay Dolphy habang sinasambit ng pari ang kaniyang sermon.

Pagkatapos ng misa, maaantig tayo sa makabagdamdaming awit nina Gary Valenciano at Zsa Zsa Padilla sa opening number ng ASAP '06. Pagkatapos, pwede na uling tumawa. Isang komersyal lang ang transisyon at iba na uli ang tema ng mga pagpoprograma. Sina Maricel, Jay Manalo at John Estrada, na kanina lang ay humahagulgol sa misa, ngayo'y buong-ngiti nang nagtatanghal ng pangkilig nilang kanta.

Ano'ng mangyayari sa Wowowee? Masyado pang maaga para magsalita. Pero ang malinaw, the show must go on. Magpapatuloy ang mga palabas na didiktahan tayong tawanan na lang ang mga problema at umasa sa mga papremyong pera.

Samantala, unidentified pa rin ang ilang bangkay. Mamayang gabi, premiere episode na ng Pinoy Big Brother Celebrity Edition. ###

3 Comments:

At 8:11 PM, Blogger guillerluna said...

di si eman ang unang nagsabi, kundi si marx.

 
At 11:16 PM, Blogger adarna said...

hehe, ganun ba? sori po, misis. :-)

 
At 12:39 AM, Blogger guillerluna said...

ahehehe...

 

Post a Comment

<< Home