Titser
KRITIKA ni Teo S. MarasiganTuwing nagsasara ang taong akademiko, madalas papurihan ng midya ang mga nagsipagtapos o graduates -- bihira ang mga guro nila, ang madalas nating tawaging 'titser'. Ngayong taon, natawag ang pansin ng publiko sa mga guro dahil sa nangyari sa isang estudyanteng Grade 2 sa isang pampublikong paaralang elementarya sa Taguig. Namatay siya, hinihinalang dahil nalason o tumindi ang tonsilitis at pneumonia. Pinakain kasi siya ng guro niya ng pinagtasahan ng lapis. Ayon sa balita, parusa ito sa kanya - dahil nagsabog siya sa sahig ng pinagtasahan ng lapis - ng guro niyang nagwawalis.
Sa isang banda, karugtong ang balitang ito ng popular na istiryutipo (stereotype) sa midya ng mga guro: naninindak gamit ang nalalaman, mahigpit mandisiplina sa mga estudyante, 'terror' kung tawagin, kinakatawan ni Ms. Tapia sa telebisyon at pelikula. Pero sa isang banda, taliwas ito sa pagtingala ng publiko sa mga guro dahil sa kanilang dunong, malasakit, at tatag sa harap ng mahirap pero marangal na propesyon. Alam ang pagtingalang ito ng kampo ni Gng. Macapagal-Arroyo, kaya sa gitna ng matinding krisis pampulitika, ginawa siyang guro isang araw sa harapan ng mga bata at midya.
Mabigat sa loob ang nangyari. Hindi ito krimen ng mga karaniwang kriminal sa ating lipunan na mayaman - negosyante, panginoong maylupa, pulitiko o mataas na opisyal sa militar - o karaniwang kriminal na mahirap. Isang guro ang nakapagdulot na mamatay ang isang bata. Ang naghahanda sa mga bata para sa kanilang kinabukasan ay nakapawi ng kinabukasan ng isang bata. Ang humuhubog sa isipan ng mga bata ay nakakitil sa isipan ng isang bata. Ang nagtuturo ng kabutihang-loob at asal sa mga bata ay nagpakita rito ng mabilis na pag-init ng ulo at ng padaskul-daskol na pagpapasya.
Pero higit pa rito, mabigat sa loob ang nangyari dahil kayang ilarawan ang buhay ng salarin. Malamang ay mahirap siya, hindi kasya ang sweldo para buhayin ang sarili at pamilya. Sang-ayon sa istiryutipo sa mga guro, pwedeng mayroon siyang sideline bukod sa pagtuturo. Lagi siyang pagod sa trabaho at minsan o madalas umiinit ang ulo sa mga problema sa mga pasilidad at estudyante. Pangarap niya ang magtrabaho sa ibang bansa bilang guro o kahit katulong. Nilalaspag ang katawan niya sa paaralan at bahay. Ang buhay niya, sa madaling salita at esensya, ay kahawig ng sa nakakarami sa bansa.
Hindi siya ia-abswelto ng paliwanag na kahirapan sa kanyang krimen. Pero hindi ito isyu lamang ng pag-init ng ulo at maling pagpapasya. O ng maling pamantayan sa mga nag-aaplay maging guro at sa mga guro mismo - katulad ng pinapalabas ng gobyerno. Isyu rin ito ng pagkasadlak ng isang guro - na maraming katulad, sang-ayon sa mga kwento - sa ganoong mentalidad o dispusisyon. At sapat na iyon: Na ang isang tagahubog ng kaisipan ng mga bata ay masadlak sa ganoong bigat ng loob, dilim ng pag-iisip, kitid ng kukote, at kalupitan sa bata. Sapat na iyon para maging isang isyung panlipunan.
Hindi lang dahil hindi matatawaran ang halaga ng guro sa anumang lipunan - na siyang pangkalahatang pagtingin sa mga guro. Ang mismong estudyanteng namatay ay nangarap maging guro. Sinasabing pasimuno siya sa 'titser-titseran' ng mga bata sa kanilang komunidad na ipinapatawag niya pagkatapos ng klase. Katulad niya, marami sa atin ang nangarap maging guro - at doktor, abugado, bumbero, karpintero - noong bata. Bihira sa atin noong bata ang nangarap maging stock broker, ahente ng call center o real estate o may-ari ng bangko na pangarap ng maraming nakakatanda ngayon.
Malinaw ang pagkakaiba ng dalawang bungkos ng trabaho. Sa mata ng bata, ang nauna ay direktang tumutulong sa kapwa at nakakapagpasaya, malaki man o maliit ang kita. Ang ikalawa naman ay mga trabahong hindi direktang tumutulong sa mga tao, tiyak na may malaking kita, at nakakapagpasaya lang kapag ipinambibili na ang kita. Malinaw sa dalawa ang pipiliin ng mga bata: Nasa paglilingkod sa kapwa ang kaligayahan ng tao, hindi sa pagkamal ng kita o pananaig sa ka-kumpitensya. Prinsipyong sosyalista ito na malalim na nakatanim sa pagiging guro, gayundin sa mga pangarap natin noong bata.
Pero hindi ang kategorya ng kaisipang ito ang mahalaga. Mas mahalaga ang kung paanong ang mga pumipili sa una - sa paglilingkod at pagtulong sa kapwa - ay pinapatay ng lipunan. O kung paanong itinutulak sila ng lipunang ito na pumatay - bunsod man ng pagkabusabos o desperasyon o ng paglahok sa isang rebolusyon.>>>
Sumulat sa tsmarasigan_kritika@yahoo.com
___(('Read the whole text of this entry >>'))